PAGLISAN
by: Justyn Shawn
Galing sa trabaho, pagod, puyat, naiinip at inaantok na naghihintay sa usad ng mahabang pila ng mga nagbabakasakaling makapagtrabaho sa ibang bansa. Kung tutuusin, hindi ko na kailangan pa ang magtrabaho sa dayuhang bayan dahil kahit paano ay sumasapat naman ang kita ko bilang isang caregiver dito sa Pilipinas. Ngunit dahil sa pagtaas ng bilihin, sa pagdami ng pangangailangan, lalo pa ngayong magbubunga na din sa wakas ang pagmamahalan namin ng aking asawa ay napagdesisyunan ko na makipagsapalaran sa banyagang lugar. Alam kong mas madaming oportunidad ang naghihintay sa akin doon para sa kinabukasan ng aking pamilya. Bilang isang haligi ng tahanan, nararapat lamang na mabigyan ko sila ng buhay na hindi ko naranasan noon. Kahit mahirap, alam kong kakayanin ko ito para sa kanila at para sa kinabukasan namin.
Araw ng aking pag-alis. Hindi ako umiyak kahit pa man nahahabag akong makita ang aking asawang pilit akong pinipigilang lumisan. Nakatuon ang atensyon ko sa kinabukasang naghihintay para sa amin. Alam kong mariharap ito para sa kanya dahil wala siyang masasandalan sa panahong kailangan niya ng karamay, tatag ng loob ang pinakita ko sa kanya upang makaya niya ang lahat kahit na magkalayo kami.
Ilang taon din ang nakalipas, naging maganda ang takbo ng trabaho ko. Nakapagpatayo kami ng bahay. Nakapagsimula ng negosyo. Kahit hindi ko nasilayan ang paglaki ng aking panganay, kahit hindi ko siya nagabayan sa kanyang paglaki, kahit na hindi ko sila kapiling ng aking asawa, masaya pa rin ako dahil sa kung anong mayroon kami.
Nalulungkot ako minsan ngunit iniisip ko na lang ang mga pangarap na unti-unti ng natutupad. Ang mga tawag, larawan at sulat galing sa aking asawa ang nagpapatatag sa akin. Ito lang ang aming paraan upang magkamustahan.
Minsan napapaiyak na lang ako habang nag-aalaga ng ibang tao ngunit sa sarili kong pamilya hindi ko man lang maipadama ang pagkalinga na dapat ay sa kanila ko ginagawa.
Natapos ang ilan pang taon. Makakauwi na din ako sa wakas. Ilang beses na din itong naudlot dahil ang perang ipambibili ko sana ng ticket pauwi ay ipinadala ko na lang upang matapos lang ang bahay na pinapagawa namin at ang iba naman ay iniipon ko para sa aming kinabukasan.
Masaya ngunit nakakapanibago. Halo-halong emosyon ang meron ako sa pagtapak muli sa bayan kung saan ako isinilang. Hindi ko pinaalam sa aking mag-ina ang aking paguwi upang sorpresahin sila.
Inabutan ko sa harap ng aming bahay ang aking anak. Kilala ko na siya sa larawan pa lang na ipinadadala sa akin ng aking asawa. Hindi maipagkakaila na anak ko siya dahil sa aming pagkakahawig. Dagli akong lumapit at akmang yayakapin sana siya ngunit iwinaksi niya ang aking mga kamay.
“Anak…?!”
“Hindi po kayo ang Daddy ko!” sambit niya at tumakbo papasok sa bahay. Alam kong iyon ang bahay namin. Alam kong siya ang aking anak, hindi ako pwedeng magkamali. Ngunit bakit ganon ang kanyang naging reaksyon?
Hinabol ko siya habang pinipigilang tumulo ang mga luha sa aking mga mata.
“Hindi ba niya ako nakikilala? May malaking tampo ba siya dahil hindi niya ako kapiling sa paglaki niya?,”tanong ko sa aking sarili.
Masakit isipin ngunit alam kong sa paglipas ng araw ay maiintindihan din niya na para din sa kanya ang ginawa ko.
Padabog niyang siniraduhan ang pinto.
“Mommy!..Mommy!!!,”pagtawag niya kay Ann, ang aking asawa.
“Bakit anak? Anong nangyari?” Ang tanong naman niyang tila inaamo ito.
Nasa likod lang ako ng pinto at nakikinig sa usapan.
Hinahanda ang sarili. Kinakabahan. May lungkot ngunit masayang masisilayan, mayayakap at mahahagkan ko na rin muli ang aking mag-ina.
“Oh bakit Jojie, anak? Anong nangyari?,” tanong ng isang boses ng lalaki sa aking anak.
Binuksan ko ang pinto. Nakita ko ang aking mag-ina at isang lalaking nakayakap. Isang larawan ng isang masayang pamilya.
Nanlambot ang aking mga tuhod. Isip ko’y natuliro. Pumatak ang mga luha ko sa aking mga mata.
“Tol!..tol!!!..,”gising sa akin ng isang aplikante sa aking likuran. Nakatulog lang pala ako habang naghihintay. Tila totoong totoo ang nangyari. Ramdam na ramdam ko ang sakit nito. Sa halip na pumasok na sa loob, nagmadali akong umuwi.
Wakas.