Blogger Widgets

Monday, December 24, 2012

Reflection




by: Justyn Shawn
email: jeiel08@gmail.com



Tumingin ka sa aking mga mata. Kita ko dito ang kalungkutan na iyong dinadala. “Kala ko na nakalimutan mo na sya?” Pagpapaalala ko sa iyo na sinabi mong hindi mo na iisipin ang lahat ng nangyari; ang lahat tungkol sa kanya.

Namasa-masa ang iyong mga mata. Mukhang naalala mo na naman ang mga ginawa niya. Tila ramdam mo na naman ang sakit noong pinagtaksilan ka niya; noong ipinagpalit ka niya sa iba. Hindi ka na naman makakain at makatulog ng maayos dahil sa sama ng iyong loob dahil hindi mo lubos maisip na magagawa niya ito sa’yo. Ang laki na ng ipinayat mo at ang panglalalim ng iyong mata ay kapansin-pansin na rin. Naaawa ka sa sarili mo dahil hindi mo alam ang dahilan. Tulala ka na lang lagi at wala sa sariling katinuan. Ang masama pa, inisip mo pang ang buhay mo’y waksan.

“Pinilit kong kalimutan ang lahat ng nangyari. Pinilit kong ibaon na lang ang lahat sa limot. Ngunit pano kong hindi maaalala ang lahat kung sa bawat paggising ko sa umaga, anino ng nakaraan ang ibinabalik ng aking puso at isipan?” Hindi mo na napigilang pumatak ang iyong mga luha. Pilit mo itong nilalabanan ngunit ang pagdaloy nito’y tila walang katapusan.

“Mahal mo pa rin s’ya , yun lang yun. Pero hanggang saan mo kayang dalhin ang sakit na dulot ng pagmamahal na meron ka para sa kanya? Hanggang kailan ka magpapakatangga?”

“Hindi ko alam. Ang alam ko lang, hindi ko kayang mabuhay ng wala sya.”

“Ikaw na ba talaga ‘yan? Hindi ka naman ganyan mag-isip at magdesisyon lalo pa’t sa ganitong klaseng sitwasyon. Matalino kang tao. Alam kong hindi mo sisirain ang buhay mo ng dahil lang sa pag-ibig. Asan na ang Arnold na nakilala ko?”

“Hindi ko na rin alam. Hindi ko na kilala ang sarili ko.”

Huminto ka saglit sa pagsasalita. Pinahid mo ang mga luhang patuloy pa ring umaagos sa iyong mga mata. Bumuntong hininga ka. “Kaya ko ba ‘to?,” sabi mong hindi pa rin humuhupa ang pag-agos ng iyong mga luha kahit anong gawin mong pagpigil dito.

“Oo naman, ikaw ang isa sa kilala kong may malakas na loob, inaalam muna ang bawat desisyon na gagawin, ikaw yung tipo ng tao na hindi nagpapadalos dalos at pantay ang tingin sa lahat ng aspeto ng buhay. Kahit noon pa man, mas madaming mabibigat na bagay ang kinaharap mo ng buong tapang. Hindi ka sumuko. Hindi ka sumusuko. Ngayon ka pa ba aatras? Ngayon pa ba, dahil lang sa pag-ibig?”

“Siguro nga matatag ako noon. Siguro nga nakaya ko dati. Pero nakakapagod din pala. Nakakapagod din palang maging malakas ang loob. Nakakapagod din palang magpakatatag. Hindi pala sa lahat ng panahon meron akong tibay ng loob upang humarap sa mga problema. Hindi pala sa lahat ng panahon kaya kong humarap sa pagsubok ng mag-isa. Hindi pala. Ngayon kailangan ko ng masasandalan, kailangan ko ng karamay…pero…sino…nasaan sya?”

“Nakalimutan mo na ba? Hindi sa lahat ng panahon kaya mo ‘yang mag isa. Nandyan lang Siya lagi. Tumawag ka lang. Tutulungan ka Niyang dalhin ang bigat na pinapasan mo.”

"Sana nga may Direct Hotline Siya na pwedeng tawagan. Sana mayroon din Siyang Facebook Account para ma-tag ko Siya sa lahat ng problemang gusto ko ng payo Niya. Sana may account din Sya sa Skype para makita Niya sa cam na nasasaktan din ako, na nahihirapan..na minsan, hindi ko din nakakaya ang lahat.”

“Sana nga, pero hindi. Dahil lahat ng bagay nakikita Niya, lahat ng bagay tungkol sa’yo alam Niya. Hinahayaan Niya lang mangyari ang lahat ng iyon sayo upang subukin kung gaano katatag at kung hanggang saan ang pananalig mo sa kanya o kung Siya ba ang una mong lalapitan kung sakaling magkaroon ka ng problema. Kaya lang minsan, mas inuuna natin na maghanap ng sulusyon sa mga taong nakaharap sa atin. Nakakalimutan natin na lagi siyang nandyan. Kailangan man natin Siya o hindi.”

“Hoy! Arnold! Hindi ka pa ba dyan lalabas? Alalahanin mo, hindi lang ikaw ang gagamit ng banyo. Kanina ka pa nandyan!”


Wakas.

No comments:

Post a Comment