Blogger Widgets

Friday, June 15, 2012

Shattered Dreams Chapter 1



"Tagu-taguan maliwanag ang buwan.."Sigaw ng aking kababatang si Gade habang nakasubsob ang kanyang mukha sa isang malaking puno. Iyon ang lagi naming nilalaro kapag ganitong nawalan ng ilaw sa aming bayan at maliwanag ang buwan. Nagsimula na kami magtakbuhan at maghanap ng kani-kaniya naming mapagtataguan. "Wala sa likod. Wala sa harap. Pagbilang ko'ng sampo nakatago na kayo. Isa..." hangos akong nagtatatakbo sa paghahanap ng mapagtataguan ngunit lahat ng napupuntahan ko ay may nakatago na dito."Dalwa...Tatlo....Apat...Lima..." Hingal akong nakapunta sa may matataas na talahib upang dito magtago. Hindi naman iyon kalayuan ngunit alam kong hindi nila ako makikita dito."Anim..Pito..Walo..."nahiga ako upang hindi ako makita. Nakahiga dahil gusto ko noon makita ang ganda ng liwanag ng buwan sa kalangitan."Siyam...Sampo...Game!"




Tahimik akong nakapwesto sa aking pinagtataguan habang pinakikinggan naman sila. May dalwa na sa aking mga kababata ang nahuli na ni Gade. Wala pa rin akong paki sa kanila dahil kompyansa akong hindi nila ako makikita doon. Alam ko kasing takot sila sa ahas dahil masukal masyado ang lugar kung nasaan ako.


Takot din ako kahit papaano ngunit ang mga bituin sa kalangitan at ganda ng buwan sa mga panahong iyon ang nagpawala ng aking pangamba. Hindi ko na namalayan na matagal ko na palang pinanonood ang kalangitan. Mag-iisang oras na akong nakahiga at wala na rin akong sigawang naririnig. Walang mga tawa.


Bigla naman akong kinabahan dahil baka iniwan nila ako. Akmang tatayo na sana ako ng makita ko ang pagbagsak ng isang bituin. Gaya ng nakagawian ko, humiling ako dito. "Sana may mag bigay sa akin ng chocolate bukas"mataimtim na dasal ko sa sarili habang nakapikit.


"Reeeeeeeeeeeeeennnz!!!!!....."sigaw ng aking kuya na nagpagulat naman sa akin. Kita ko sa kanyang mata ang pag-aalala at galit nito. Sobrang kaba ko dahil hindi ko akalaing susulpot siya sa aking harapan. Dagdagan pa nang nakapikit ako noon at pagmulat ko siya ang aking nabungaran; na ang alam ko ay wala ng tao doon.



Balikwas akong tumayo mula sa aking pagkakahiga sa damuhan. Pinagpag ko ang aking likuran dahil may mga damong dumikit dito.


"Kuya naman ehh."pagmamaktol ko sa kanya. "Bat ka nandito?"dagdag ko pa. "Diba ako dapat ang magtanong sa iyo nyan? Gabing gabi na, wala pang ilaw tapos andito ka sa damuhan? Ang sukal pa oh. Pano kung may mangyari sa 'yo dito? Paano kung makagat ka ng ahas ha? Pano na lang? Kanina pa kita hinahanap. Nag-aalala na kami sa iyo ni mama. Tara uwi na tayo."


Niyakap ko si Kuya. Syempre na touch ako sa kanyang ginawa kahit na pinagalitan niya ako. Alam ko kasing mahal na mahal ako ni Kuya. Napaka caring at protective niya sa akin.


Minsan ko lang marinig na nagsalita ang kuya ko. May sariling mundo. Seryoso. Bilang lang ang araw na makikita mo siyang ngumiti at magsalita. Hindi ko rin naman siya masisisi dahil noong iwanan kami ng kani-kaniya naming mga ama ay siya na itong tumayong haligi ng tahanan. Sa murang edad, lahat ay ginagawa niya. Pursigido. May goal. May gustong patunayan at marating. Hindi man siya nagtatrabaho katulad ng iba, labis ang pagkasubsob naman nito sa pag-aaral at sa gawaing bahay. May naiwang pensyon ng papa ko noong namatay ito sa giyera na siya namang pinagkakasya namin sa pang-araw-araw na pangangailangan sa bahay at gamot ni mama. Alam kong nagsusumikap si Kuya sa pag-aaral upang makaahon din kami papaano at mapagamot si mama.


Baliktad talaga kami ng ugali ng kuya kong iyan. Kung ako bibo, makulit, palabiro at pasaway minsan, siya naman ay tahimik lang. Hindi nagsasalita kung hindi kinakailangan. Laging nasa loob ng bahay at lumalabas lang kapag may bibilhin sa tindahan at kapag papasok sa eskwelahan. Matalino din naman ako gaya ng kuya ko. Siguro nga kung nag-aaral lang talaga ako gaya ng kuya ko, mahihigitan ko pa ang mga achievement na natanggap niya sa school kaso laro lang ang inaatupag ko at hindi nag-aaral. Gusto ko kasing i-enjoy ang aking kabataan. Wala pa sa akin iyong goal talaga sa buhay. Wala pa sa isip ko ang mga ganung bagay.


Minsang niyaya ko si Kuyang maglaro sa labas dahil subsob na naman siya sa pag-aaral. Na sa tingin ko ay nakakabagot ang buhay niya. At isa pa alam kong nahihirapan na din siya sa pag-aaral at gawaing bahay na siyang ginagawa lamang niya. Ayaw ko din namang tulungan siya dahil sa tingin ko hindi ko kaya kasi bata pa ako. Pero hindi naman talaga sa bata talaga dahil tatlong taon lang ang pagitan ng aming edad. Tinatamad lang talaga ako at gusto ko lang maglaro. Gusto kong mag-enjoy sa labas habang kalaro ang mga kababata ko.


"Kuya..Kuya.."tawag ko dito. Nilingon naman niya ako. "Tara! Laro tayo! panay na lang ang aral mo. Wala ka bang enjoyment sa katawan? Hindi mo ba gusto maglaro? Magsaya?". Tinitigan lang niya ako at balik ulit sa pag-aaral. Ganyan ang kuya ko, minsan kung hindi mo talaga siya kilala, mapagkakamalan mong pipi ito. Kaya naman kinulit ko na lang siya ng kinulit para mapapayag ko siyang maglaro kami. Alam ko namang hindi niya ako kayang tanggihan eh. Malamang nakulitan nga sa akin si kuya dahil hindi ko talaga tinigilan ito. Andyan yung niyuyugyog ko sya, kinikiliti at kinukulit nga na maglaro na kami. "Sige na ikaw na lang ang maglaro sa labas. Madami pa akong dapat tapusin dito sa bahay."


Nalungkot ako dahil gusto ko talaga siyang makalaro. Nawalan na din ako ng gana. Nagmukmok na lang ako sa isang sulok at nakangalumbaba habang nakabusangot ang mukha. Nagdabog dabog ako. "Nakita ko siyang lumapit sa akin ngunit nagtatamputampuhan pa rin akong hindi siya pinansin. "Ayaw kong pagsisihan mo ang kabataan mo dahil hindi ka naging masaya. Ayaw kong ako pa ang magiging dahilan kung bakit nalulungkot ka."saad sa akin nito nang makalapit na. Bigla naman nagliwanag ang aking mukha at ngumiti. "Payag ka na maglaro tayo kuya?" tanong ko dito. "Sige na please..."dugtong ko pa. Nguniti lang siya habang ako ay tila nagdarasal ang itsura dahil sa may paluhodluhod pa ako't naka dikit ang mga palad habang nagmamakaawang maglaro na kami. "Kung di lang kita mahal eh".saad niya. Tumayo na ako. "Yehey!!!"naglulukso ako sa tuwa at niyakap ng pagkahigpit higpit ang aking kuya.



Lumabas na kami ng bahay upang makapaglaro. Una naming ginawa ay naghabulan. Siya ang taya syempre. Pero nahabol agad niya ako dahil mas mabilis si kuyang kumilos kaysa sa akin. Pabalik balik lang sa aming dalawa ang taya dahil dalawa nga lang kaming naglalaro. Hanggang sa napagod at nagpahinga ng konti at naglaro ulit. Tumbang preso, luksong tinik at iba pa. Pagkatapos ay nanguha kami ng bunga ng bayabas at kinain namin ito. Niyaya ko pa si kuya sa may plaza kami maglaro dahil mayroon doong slide, seesaw at iba pang pwedeng mapaglaruan. Doon namin pinagpatuloy ang aming paglalaro. Hanggang sa sumapit na ang magtakipsilim at napag disisyunan na naming umuwi.


Napakasaya ko noong mga sandaling iyon. Noon ko lang kasi nakasama si kuya na maglaro. Yung laro talaga, yung tawanang walang humpay, yung kulitan at harutan na walang inaalala. Ang saya! Habang naglalakad kami ay nakaakbay pa ako sa kanyang balikat at patalon talon pa kung maglakad. Tanaw ko na ang aming bahay at may ngiti pa ring nakasukbit sa aking labi. Tahimik lang kami pareho pero alam kong nag enjoy din si kuya sa aming ginawa. "Kuya, bukas laro tayo uliy huh". Tiningnan lang niya ako at nginitian at ginulo ang aking buhok.


Pagdating namin sa bahay ay nabungaran namin si mama na naghihintay sa amin sa may sala. Bakas sa kanyang mukha na galit ito. Kinabahan ako bigla. "Saan kayo galing? Anong oras na? Ganitong oras ba dapat kayong umuwi? Ikaw rolly, alam mo nang hindi ako makakilos ng mabuti iiwanan mo pa akong nag-iisa. Kung may nangyari sa akin? Hindi na kayong dalwa naawa. Puro na lang laro ang inaatupag nyo. Ikaw Rolly, ikaw itong matanda dapat ikaw itong sumasaway sa kapatid mong yan. Hindi yung ikaw pa itong nangungunsinti."bungad sa amin ni mama. Syempre nakonsensya naman ako dahil may sakit nga si mama tapos iniwan pa namin at napagalitan pa tuloy kami ni kuya. Isa pa si kuya pa ang pinagalitan ng matindi na ako naman talaga ang may kasalanan. Sasagot na sana ako pero pinigilan ako ni kuya. Alam ko ibig sabihin niya. Masama naman talaga ang sumagot sa magulang ngunit gusto ko lang sanang ipagtanggol siya. Na aminin na ako talaga ang nagpumilit na maglaro kami buong maghapon. "Ayos lang yun masaya naman eh"sabi ko sa aking sarili. Pampalubag loob kumbaga. "Ma, sorry po. Hindi na po mauulit"sabi naman ni kuya at nagsimula ng magluto ng aming makakain. Nakahinga ako ng malalim dahil hindi na ulit nagsalita pa si mama.



Habang naghahanda naman ng pagkain si kuya Rolly, tinawag naman ako ni mama. "Renz, halika!" lumapit ako at may ibinulong sa akin. "May snickers dun sa may tukador, kunin mo na lang. Isa lang nabili ko eh kaya sayo na lang."bulong sa akin sabay halik sa aking pisngi ni mama. Alam ko at kita naman na paborito akong anak ni mama pero hindi ko nakita si kuya Rolly na nagtampo. Alam kong unfair iyon kay Kuya. Pero intindi ko din naman si mama dahil alam ko ang kanyang pinaghuhugutan at pinagsisimulaan ng lahat ng ito. Iniwan kasi siya ng ama ni kuya at sumama sa ibang babae. At dahil nga paborito ako, lagi akong pinapaburan sa maraming bagay na ishinishare ko naman ng palihim kay kuya.



Naapangiti naman ako dahil natupad nga ang wish kong may mag bigay sa akin ng chocolate. Pero nalulungkot din dahil ako lang ang meron at si kuya wala. Itinago ko muna ito sa aking bulsa. At kumain na kami pagkatapos ni kuya maghanda ng aming makakain. Walang imikan kaming kumakain sa hapag. Walang ni isa sa amin ang nagsasalita.


Pagkatapos namin kumain ay dumeretso na ako sa aking kwarto upang gawin ang mga assignments ko. Habang si kuya naman ay nagligpit ng aming pinagkainan. Nang matapos na ako sa aking ginagawa ay pumasok na si kuya sa kwarto. Magkatabi kasi kami matulog ng aking kuya.


Lumapit siya sa akin at kinumusta ang aking assignments kung nagawa ko na ito. Nagawa ko na talaga pero sabi ko na lang sa kanya na hindi pa at nagpatulong ako. Ginawa ko iyon para makita ko kung tama nga ang aking mga sagot sa tanong. Madami siyang itinuro sa akin at napag-alaman ko din na mali nga ang ibang sagot ko sa aking assignment. "Waaaaah! Ang galing naman ng kuya ko."sabi ko sa kanya sabay yakap. "At dahil dyan, may premyo ka.hehehe" dagdag ko pa at inilabas ang sneakers sa aking bulsa. Nagtaka naman siya kung bakit ako may ganun. ang sinabi ko na lang na may nagbigay sa akin. Naghati kami sa chocolate na ibinigay ng mama ko para sa akin. Masaya namin itong kinain habang nagkukulitan.


Sa ganong maliliit na bagay ko ipinapakita sa aking kuya na hindi siya nag-iisa. Na karamay din niya ako. Na Lagi akong nandiyan para sa kanya; para mapasaya siya. Kahit papaano ay alam kong alam niya iyon. Kahit hindi man pantay ang pagtingin ng aming mama sa aming dalwa. Hindi ko hinahayaang madama nya ang pagkukulang. Parang ako ang nagsisilbing takip sa butas na kantang makikita. Butas ng pagmamahal ng aming ina.


Pagkatapos namin magkulitan ay naghugas na kami ng aming katawan at nagtoothbrush upang matulog.



Pagkagising namin ay agad kaming naghanda para sa pagpasok. Dahil first year high school na si kuya at ako naman ay grade 4 pa lang noon, magkaiba kami ng school na pinapasukan. Parati niya akong hinahatid sa school namin dahil ayaw niyang may nambubully sa akin. Tagapag-taggol, kaibigan, kuya, at tumayong ama ang naging papel sa akin ni kuya. Parati siyang andyan para sa akin sa kahit na anong bagay. Hindi naman talaga ako nabubully. Ang kaso lagi akong nasasangkot sa away dahil sa kapilyuhan ko. Pero hindi pa rin ako ni kuya pinapabayaan.


Naalala ko pa noon pinatid ko ang kaklase ko. Syempre nagalit sya dahil nadapa siya sa mismong loob ng aming klase. Kita ng buong silid na iyon kung paano siya napahiya sa ginawa ko dahil nasa unahan kami nakaupo. At dahil wala pa ang aming guro noon, walang pumigil sa aming pagrarambolan. Lumaban ako kahit na ako ang mali. Ayaw ko kayang mabugbog. Buti na lang at dumaan doon si kuya at napigil kami bago pa man kami datnan ng aming guro. Hindi ko nga alam kung bakit nandun siya ngunit alam kong lagi siyang nandyan lang sa tabi ko. Lagi akong pinoprotektahan. Laging nakaantabay kapag hindi pa nag uumpisa ang kanyang klase.


Pagkahatid niya sa akin ay nagpaalam na ito na tutungo na sa kanilang school. Magkatabi lang ang elementary at highschool sa aming bayan kaya hindi gaanong malayo ang kanyang nilalakad. Hindi pa man nag uumpisa ang aming klase ay nagpaalam na ito dahil may daw quiz sila sa una nilang subject.


Pagkaalis na pagkaalis naman ni kuya ay siyang dating naman ni Gade. Hindi ko alam kung bakit siya nandoon. Magkaklase kasi sila ni Kuya Rolly kaya't nagtaka akong bakit naroon siya. Kita ko siyang animoy may hinahanap gawa ng palingon lingon ito. Nilapitan ko siya. At laking pagtataka niya sa pagkakita niya sa akin.


“Oh bunso, ikaw pala yan?”


“Ay! Hindi kuya, picture ko lang ‘to. Alam na ngang ako ‘to itatanong pa! Adik ka kuya? Siguro nakahithit ka na naman ng katol no?”pabirong sabi ko sa kanya. Ganito talaga ako makipag usap. Pang-asar lang. Kaya naman lagi akong may nakakaaway lalo na kapag hindi talaga nila ako kilala. Laging pinagsisimulan ang kakulitan ko at pagsagot ko ng pabalang.


“Ano nga pala ginagawa mo dito kuya? Diba wala ka naming kapatid na pwedeng ihatid dito? Bakit ka nandito?”tanong ko sa kanya. Dahil kung tutuusin ay wala naman talaga siyang dahilan para magpunta sa aming paaralan.


“At sino naman nagsabi sa iyo na ang pwede lang ihatid ay ang kapatid? At kapag nandito ka sa loob ng hindi mo paaralan ay may inihahatid ka na?”sagot naman niya.


“Ay! Oo nga ano? Eh bakit ka nandito?”


“Basta”


"Anong basta?"


"Basta nga eh. Ang kulit lang?"


"Sige na kuya sabihin mo na kasi." pagpupumilit ko pa sa kanya.


"Sige na nga."naiiritang sabi niya sa akin. Wala din siyang magagawa dahil hindi ko talaga siya titigilan hanggat hindi niya sa akin sinasabi ang dahilan kung bakit siya nandoon.


"Kulliiiiiiit!.. hhmmmn.."sabi niyang animo'y nakukulitan talaga sa kanyang itsura sabay napaisip. "May gusto lang akong makita bago ako pumasok. Inspirasyon kumbaga." dagdag pa niya na kinikilig pa habang binabanggit. Kita mo ito sa kanyang mga ngiti at kislap ng kanyang mga mata.


“Ayiieeee! Si Kuya inlove oh. Sino naman yung inspirasyon na yun? Maganda ba?? Pakilala mo naman sakin oh. Sige na please kuya.” pangungulit ko dito at ang mukha ay nagmamakaawa.


"Ay! yun naman ang hindi ko pwedeng sabihin sa'yo. Secret yun eh. Sige na papasok na ako. May quiz pa nga pala kami."palusot niya sa akin upang makaiwas sa aking kakulitan.


"Teka Kuya, diba may hinahanap ka? Nakita mo na ba sya?"hirit ko pa.


"Oo, nakita ko na sya. Nakausap ko na nga eh."sambit niya na pinagtakhan ko naman dahil kita ko siyang pumasok sa aming paaralan kanina lang habang papalabas si Kuya Rolly. Nakita ko din na nag usap sila saglit bago siya tuluyang pumasok ngunit wala naman akong napansin na babaeng kinausap niya. So, ayun nga. Hindi ko alam kung sino ang tinutukoy niya.


Napansin ko namang biglang nagkagulo sa aming room kaya't tiningnan ko ito. Dumating na pala ang aming guro. Nagpaalam na din ako kay kuya Gade. At siya din naman ay tuluyan ng lumabas sa aming paaralan.


Natapos ng maayos ang aming klase. Masasabi kong maayos dahil wala namang kakaiba sa mga nangyayari. Gaya pa rin ng dati, tahimik ako at nakikinig sa oras na nagtuturo ang aning guro at kulitan kapag napalingat ang aming titser. Seryoso kumbaga, hindi mo paghahalataang ako ang nangunguna at nagsisimula ng gulo. Makulit ako pero kapag oras ng klase, oras ng klase. Kahit hindi ako mag-aral ng mabuti, may masasagot ako. Kaya nga top 4 ako sa klase namin kahit na ganito ako, pasaway.


Gaya pa rin ng dati, hinihintay kong sunduin ako ni Kuya gaya ng aming nakagawian. Siya kasi ang tagahatid at tagasundo ko baka daw kasi maaksidente ako sa daan sabi ni mama. Doon, sa may gilid ng library ako naghintay kay Kuya kung saan iyon ang aming napagkasunduang kitaan namin tuwing sinusundo niya ako. May study table na ginagawa namang tambayan ng mga estudyante. Hindi kasi pwedeng sa room ako maghintay dahil paiba-iba kami ng room. Baka maghanap lang siya sa akin  kapag wala ako doon. Kaya yun ang ginawa naming tagpuan.


Ilang minuto na din akong naghintay kay kuya ngunit hindi pa rin siya dumadating. Halos ako na lang mag-isa ang naroon sa aming paaralan dahil mag aalas sais na at nagsiuwian na ang iba.Ngunit hinintay ko pa rin si kuya. Hindi pa kasi siya pumapalyang sunduin ako. Nanatili akong nakaupo doon na parang tanga. Kaya ang ginawa ko ay naglaro-laro munang mag-isa upang malibang ang sarili.


Maya maya pa ay may tumawag sa pangalan ko. "Siguro si Kuya na iyon. Salamat at makakauwi na din ako"sabi ko sa aking sarili habang naglalakad sa kinaroroonan ng boses.Mga ilang sigundo din ang nagdaan nang malaman kong hindi iyon si kuya dahil, iba ang kanyang boses at kung si kuya nga iyon, bakit niya pa kakailanganing tumawag sa akin ganung alam naman niya ang aming tagpuan.



Itutuloy....

11 comments:

  1. nice.... ang gnda nmn ng panimula galing mo kya!!

    ReplyDelete
  2. yehey..nbasa ko rin..hai i miz renz..ilang taon sila dito kuya?..infairness..mgnda ang karakter ni rolly dito..un pla un kya gnun ung karakter nya sa dream on..nalungkot nmn ako bigla at naawa sa knya kasi di ko siya maxado ngustuhan non hehe..nxt na po

    -john el-

    ReplyDelete
  3. @gigz@eigjiedexz: salamat ^_^


    @ -john el- : nasa chapter 2 pa ata ang edad nila...hehehe salamat at nalaman mo na kung bakit ganun si Rolly..hehehe pasensya ka na sa style ng pagsulat ko..haha regression ba yun??haha pabalik..?lol

    ReplyDelete
  4. Maganda ang simula....remember some of my past........hope you continue it......

    ReplyDelete
  5. Sila ba yung magkapatic sa Dream On? interesting....

    ReplyDelete
  6. hehe salamat po. opo ko-continue ko po ito pag di na ako masyadong busy..hehehe Sila po si Ren at Rolly. Ang magkapatid sa Dream on..hehehe

    ReplyDelete
  7. wow!!!ang galing naman ng story!!!
    maganda ang ang introduction!!!
    maganda ang pagpapakilala sa mga character!!!
    NEXT CHAPTER PLEASE!! HEHEHE
    MORE power kuya jojie!!

    ReplyDelete
  8. hi bes.. i like the flow.. maganda ang pacing nya!! ndi mabagal, ndi mabilis.. nabasa ko rin ung dream on though d aq nakapagcomment.. at ngayon lng ako nakapagbgay ng comment kahit na proof read ko na ito.. ill recommend your story and blog to my friends :) mishue bes :)

    ReplyDelete
  9. wqw. the best ka kuya!!! ang galing galing galing

    ReplyDelete
  10. WAAAAAAAA!!!Bitin pa rin kuya jojie!!kahit nadagdagan na!!
    next chapter please!!!
    next chapter haha ^___^

    ReplyDelete
  11. Ano na po nangyari?

    ReplyDelete