Blogger Widgets

Thursday, July 5, 2012

One Click





“Fate brings you together but still up to you to make it happen”



Pag-ibig…kaya mo bang magtiis para dito? Kahit gaano kalayo sa isa’t isa?



Hindi ako naniniwala sa Long Distance Relationship. Kalokohan lang itong lahat para sa akin. Paano naman kasi ako maiinlove sa taong hindi ko nakakasama, hindi ko alam ang ugali na mayroon siya? Pano magwowork ang isang relasyon kung saan dagat ang aming pagitan; na hindi kami magkasama?



“Distance means so little when someone means so much”…isang kasabihan nagpapaisip sa akin ng malalim. Para kasi sa akin, nagwowork ang isang relasyon kapag magkasama kayo, kapag alam namin ang bawat hilig, ang gusto at ayaw sa isang bagay. Yun bang kahit sa konting kilos lang alam na ang ibig sabihin. Kahit hininga pa lang alam nyo na kung masaya ang isa o kung may problema. Sa bawat tingin at titig na ibinabaling , alam nyo na ang dahilan, alam nyo na ang ibig sabihin. Kaya naman hindi ako naniniwalang may nagkakainlaban nga ng totoo o tumatagal sa Long Distance Relationship. Isa pa, mahirap sumugal sa walang kasiguraduhan.



Iyan ang pananaw ko…noon.



Ako si Eric. Simple. Masayahin. Makulit. Hindi gwapo, hindi din naman pangit. Ordinaryong tao na namumuhay ng ordinaryo.



Dahil sa hirap ng buhay dito sa Pilipinas, at upang matulungan ang pamilyang makaahon sa kahirapan, sumama ako sa aking tiyuhin upang makipagsapalaran sa dayuhang bayan. Hindi man ako nakatapos ng kolehiyo, naging madali para sa akin ang makahanap ng trabaho sa tulong ng aking tiyuhin. Isa na akong barista ngayon dito sa Jeddah, KSA.



May girlfriend ako si Jen. Hindi ko nga alam kung bakit sa dinami-dami ng lalaking nagkakandarapa sa kanya ako pa ang natipuhan. Hindi naman kasi ako ‘sing yaman, tangkad at gwapo gaya ng kanyang mga manliligaw. Sino ba naman kasi ang mag-aakalang ako ang pinili niya. Napagadanda niya. Matalino…at mabait. Napakasaya ko noong araw na magkasama kami. Nagkukulitan. Hawak-kamay habang naglalakad sa pakre. Nagyayakapan. At minsan..nag-iiyakan sa mga pagsubok at problemang nararanasan namin sa buhay. Ngunit nag-iba ang lahat noong kinakailangan kong mangibang bansa. Nagkatamlayan ng mag-usap, magtawagan, magkumustahan .Pati maliliit na bagay pinagtatalunan na namin kahit nadadaan naman sa usapan. Hanggang sa humantong sa hiwalayan. Hindi na namin maisip na mag-wowork pa ang aming relasyon kung saan dagat ang pagitan. Kung saan telepono lang at internet ang tulay ng aming pag-iibigan. At mga kuhang litrato naman ang taga kwento sa bawat nangyayari sa aming buhay. Alam kasi namin, sa panahon ngayon, ang mundo ay nababalot ng tukso. Dahil magkalayo, hindi maiiwasang madarang. Nakakatakot umasa na sa pagbabalik ko, ako pa rin at walang iba. Na kami pa rin tulad ng dati. Inisip ko na lang na kung kami, kami talaga. Kaya masakit man, mas pinili naming mabuhay ng magkaiba ang daan na tutunguhin.



Masaya ang pakiramdam noong dumating ako dito sa Saudi kahit pa man kabibreak pa lang namin ng girlfriend ko dahil na rin sa pagnanais na matutulungan ang pamilyang makaahon sa kahirapan. Parang isang pangarap itong unti-unti nang natutupad. Syempre, di maiiwasang makaramdam ng takot at kaba dahil di mo alam ang kultura kung saang bansa ka naroon. Hindi din maiiwasang makaramdam ng kalungutan sa tuwing ikaw ay nag-iisa at kapag namimiss mo ang mga mahal mo sa buhay. Kapag nagkakasakit ka, wala kang matatakbuhan upang mahingan ng tulong. Pero sadya talagang ganyan. Kelangan magsakripisyo, kelangan magtiis at kailangan lumaban para sa pamilya, para sa minamahal at para sa sarili.



Nakakabagot sa ibang bansa kung tutuusin dahil hindi ka naman makapaggala kahit na madaming magagandang lugar na pwedeng puntahan kasi hindi mo alam ang mga pasikot-sikot, baka mawala ka pa. Kung alam mo naman, hindi ka rin basta-basta makakalabas dahil iisipin mo muna na kada labas mo ay may katumbas itong pera. Sayang lang ang mga paghihirap para makaipon. Kaya ang tanging libangan ko na lang ay ang aking laptop at cellphone upang makapagchat sa minamahal at mga kaibigan.



Binuksan ko ang aking account sa facebook dahil tinamaan na naman ako ng pagkainip. Pampalipas oras kumbaga. Wala kasi kaming masyadong ginagawa kapag umaga. Libre din dito sa aking pinagtatrabahuan ang wifi kaya malaya kaming makapag online gamit lamang ang aming mga cellphone. Bawal kasi magdala ng laptop baka masesante ka pa kapag nahuli. Dahil nga halos wala din akong magawa kapag online ako, kinahiligan ko na ding mag browse ng profile at maghanap ng makakaibigan.



Dito ko nakilala si Francis. Hindi ko alam sa sarili kung bakit ko klinick ang profile niya at inadd siya pero parang may magnet akong naramdaman habang tinitingnan ko ang kanyang mga picture at hindi na maalis ang tingin ko dito. Parang matagal na kaming magkakilala. Parang kilalang kilala ko na siya. 


Ilang minuto lang ang nagdaan ay inaccept na niya ang friend request ko kaya minessage ko siya para magpasalamat. Nagreply naman siya. Simula noon nagpalitan na kami ng mensahe pati na din ng number. Mas kinilala namin ang isa’t-isa. “Tol” ang naging tawagan namin. Tubong Bicol pero nakatira siya sa Manila kasama ang kanyang pinsan. Isa siyang maintenance crew ng SMB at paiba-iba ang kanyang schedule. Hindi ko alam pero ang gaan ng pakiramdam ko sa kanya habang kausap ko siya. Halos araw-araw ang kamustahan namin, kulitan..at tawanan. Nakakawala ng pagkainip, ng pressure at ng pagod.



Mas lalo kaming nagkapalagayan ng loob noong minsang may promo dito na murang tawag sa Pilipinas. Timing naman na gusto daw niya akong makausap. Halos puro tawanan ang nangyari habang nagkukwentuhan. Mas lalong lumapit at nagkapalagayan ang loob sa isa’t isa. Masasabi kong lalong tumibay ang aming pagkakaibigan. Hanggang sa magkwento siya sa girlfriend niya. Ewan ko ba pero nalungkot ako habang nagkukwento siya tungkol sa kanyang girlfriend. Di ko alam kung ano ang dahilan ng pagkalungkot kong iyon. “Siguro miss ko lang ang magkagirlfriend.”depensa ko sa sarili.



Tuloy pa rin ang aming kumustahan, kwentuhan, tawanan at balikan ng mga nangyayari sa buhay namin araw araw kahit na hindi kami magkaparehas ng oras. Nagulat na lang ako noong magtext sya. “Buti ka pa, naaalala ako kahit malayo.” Alam kong may problema siyang pinagdadaan sa mga oras na iyon kaya tinawagan ko siya. Nagkausap kami at nagkakumustahan. May ilang araw na din daw siyang may sakit at ni minsan ay hindi siya inalagaan, maski isang beses na dalaw ng kanyang girlfriend ay wala rin. Kaya makikipaghiwalay na siya dito. Hindi ko alam ang mararamdaman pero maawa ako sa kanya. Nalungkot dahil sa pinagdadaanan niya ngayon. Nakakalungkot isiping nandon lang ang kanyang girlfriend sa malapit ngunit tila kay layo naman nito sa kanya. Kaya laking pasasalamat niya sa akin.



Hindi ko mawari ang pakiramdam noong sinabi niya sa aking “I love you.” Literal na napanganga ako at napahinto. Kinapa ko ang aking sarili at hindi muna nagsalita. Biglang tumibok ng mabilis ang aking puso. Para akong mauubusan ng hininga at nabingi sa bilis ng pintig nito. Syempre natakot ako, kinabahan at nagduda dahil baka pinagtritripan lang ako nito. Pero alam kong iba. Alam kong may iba din akong nararamdamang unti-unting umuusbong dito sa puso ko para sa kanya. Yun bang kompleto na ang araw ko kapag nakakausap ko siya. Na kapag hindi naman ay kung nalulungkot ako. Yung hinahanap hanap ko na ang boses niya, yung biruan namin, yung kwentuhan at harutan namin. “Andyan ka pa ba? Ano? Ayaw mo ba?”paggising niya sa akin mula sa aking pagguguniguni. “Ahh..ehh gusto.”sagot ko. Ewan ko nga ba kung bakit iyon ang nasagot ko pero masaya ako sa sinabi ko. Parang iyon na ang hudyat na kami na. Hindi man ako sigurado. Hindi ko man alam kung karapat dapat nga ba siyang pagkatiwalaan. Hindi ko alam kung tama bang humawak sa kanyang mga pangako. Ngunit ang alam ko lang, tama na ang pagmamahal, tiwala at pangako namin sa isa’t isa para sumugal sa ganitong klaseng relasyon. Dama ko sa kanya ang sinsiredad, ang pagkatotoo at pagmamahal niya para sa akin…at iyon ang pinanghahawakan ko.



Noong naging kami, mas lalo pa naming nakilala ang isa’t-isa pati na rin ang pamilya. Naging mas malambing, mas maalalahanin kaming lalo. Ngunit sadya talagang dumadaan sa pagsubok ang lahat ng relasyon. Selosan, asaran, awayan na nadadaan naman sa usapan. Pero hindi namin iyon hinahayaang matapos ang araw o ang aming pag-uusap nang hindi nagkakaayos. Dumating din sa puntong nagpalitan kami ng aming account at password sa facebook para lamang maputol ang haka-haka at maling paniniwala. Binigyan namin ng laya ang isa’t isa sa pagbukas ng aming account upang mas makilala naming mabuti ang isa’t isa, makita, mabasa ang mga message at higit sa lahat malaman ang totoong pagkatao sa likod ng ipinakikita niya. Doon lumantad sa akin ang mga mensahe galing sa mga bakla at bisekswal na nakakachat niya. Nagtaka kasi ako noong minsang kausap ko siya pero ang tagal niyang magreply. Tiningnan ko ang oras at araw ng pag-uusap nila at tama nga ang hinala ko. May kachat nga siyang iba maliban sa akin. Sa nabasa ko, hindi ko maiwasang manlambot kaya agad ko siyang tinawagan. Umamin naman siya, nagsorry at nangakong hindi na uulitin pa.



Napatunayan naman niya iyon noong minsang buksan ko ang kanyang facebook at nabungaran ko ang mga mensahe galing sa mga nagkakagusto sa kanya, ngunit iba na ang naramdaman ko, masaya. Masaya dahil ako ang pinili niya, na tinupad niya ang kanyang pangako, na mahal niya ako. “Mahal ko si Eric kaya pls lang tigilan mo na ako” yan ang mensahing nabasa ko. Diba? Sino ba naman ang hindi maaaantig sa kanyang mga sinabi? Sino ba naman ang hindi mamawawala ang takot at pangamba kung ito ang mabasa mo sa account niya; sa mga message niya sa mga nagkakagusto sa kanya?



Mas lumalim ang aming pag-iibigan, ang tiwala at pag-asang magkasama, mahagkan, mahawakan at mayakap ang isa’t isa.



Dahil halos pareho kaming breadwinner ng pamilya, halos wala ng matira sa kanyang sweldo sa pinapadala niya dito pero hindi pa rin ito sapat para sa pang araw-araw na pangangailangan. Alam kong hindi ganun kalaki ang sinusweldo ng partner ko kaya minsan ay kinakapos siya. Bilang partner, handa akong tumulong sa kanya kaya nag-open ako ng account sa kanya para my pera siyang magastos kung sakaling magipit siya, hindi man niya ito hiningi, ako na ang nagkusang magbigay sa kanya nito dahil may tiwala ako sa kanya. Pag may extra siyang sahod ay nilalagyan niya iyon ng laman. Iniipon. Para may pera kami pang –umpisa ng panibagong buhay.



Gusto din niyang mag-abroad, upang mabigayn din ang pamilya na masaganang buhay, upang makasama ako at upang magsimula kami ng aming buhay. Nang magkasama, na baon-baon ang tiwala, pagmamahal at pangako sa isa’t-isa.



Sa isang taon naming relasyon, napatunayan kong ang LDR ay hindi hadlang sa dalawang taong nagmamahalan. Hindi basehan ang milya milya ninyong distansya upang mapadama ang pagmamahal at pagtitiwala. Ito ay isa lamang daan upang subukin kung ano ang kaya mong itaya sa ngalan ng pag-ibig. Kung kaya mo ang sakit, ang humawak sa pangako, ang magpakatatag.



Sa aming magiging unang pagkikita ng personal, hindi ko maiiwasang makaramdam ng pangamba at alinlangan pero alam kong hindi iyon magtatagal at mananaig pa rin ang pagkasabik; na mahawakan, mahagkan at mayakap namin ang isa't-isa. Susulitin ang bawat minutong daraan upang maipadama ang aming pagmamahalan.



“Distance means so little when someone means so much”…isang kasabihang nagpapaisip sa akin noon; na kontra ako. Ngunit lahat ng ito ay nagbago, lahat ay naglaho na parang bula, lahat ay nag-iba, lahat ay napalitan ng pag-asa, tiwala at pagmamahal; nang dahil sa Isang Click.



-WAKAS-

No comments:

Post a Comment