by: Rovi Yuno
blog: http://strangersandunbrokenangels.blogspot.com/
blog: http://strangersandunbrokenangels.blogspot.com/
Ika-27 kaarawan mo noon. Naisipan mong
imbitahan lahat kaming mga kababata mo. Lahat ng gusto mong makita noong araw
na yon, nakarating, maliban lang sa isang taong inaasahan mo.
Batid sa iyong mukha ang labis na tuwa
dahil nakumpleto ulit ang ating grupo pero nakita kitang nagbuntong-hininga ng
ilang ulit. Ramdam ko na nalungkot ka sa hindi nya pagsipot sa isa sa mga
mahahalagang araw sa buhay mo.
“Problema?” tanong ko
“Wala naman. I'm okay.” You smiled.
Nakita ko ang biloy sa bandang
ibabang-kaliwa bahagi ng iyong labi. Para itong pinako para lumubog ng husto.
Pinilit mong ngumiti dahil ayaw mong isipin naming mga bisita mo na dismayado
ka sa di nya pagdalo.
Masaya ang naging kwentuhan ng grupo.
Umaapaw ang mga masarap na putaheng pinaluto mo sa iyong ina. Bumabagyo ng
alak. Halatang pinagipunan mo talaga ang selebrasyon para sa iyong kaarawan.
Naging masaya ang lahat. Maraming kwentong naibahagi dahil ilang taon din
tayong hindi nakumpleto.
Patuloy ang pagpapak ko sa pork sisig
habang katabi kita. Pinapaikot naman ang Jack Daniels na kanina pa nagpapahilo
sa akin. May mga pagkakataon na sinasagip mo ako sa tagay. Palihim mong iniinom
ang tagay ko, titingin ka sa akin at ngingisi nalang tayo pareho. Alam na alam
mong mahina ang tolerance ko sa hard drinks.
“Malapit na yung tagay mo.” bulong mo sa
akin
“Nahihilo na ako, best.”
“Ganyan ka naman lagi eh, sige sasaluhin ko
nalang.”
“Ngek. Wag na, kaya ko pa.”
Ngumiti ka. Kita na ang pamumula sa iyong
mukha. Alam kong tinatamaan ka na dahil lumalabas na ang pagkamestiso mo.
Nagiging makulit ka na rin dala ng alak. Bumabangka ka na dala na rin ng
ispiritu ng alak. Iba talaga ang nagagawa ng alak.
Dumaan na muli sa akin ang shot glass.
Tumingin ako sayo at nakita kong nagaabang ka kung bibitawan ko ba ang baso o
hindi.
“Bilis! Ang tagal ng tagay! Woooh!” kantyaw
ng ilan sa ating mga barkada
Napangisi ako.
“Mahina ako sa hard.”
“Dali na! Nagpapalusot pa! Inom na!” dagdag
pa nila
Nilapit mo ang mukha mo sa akin. Amoy chico
ka na.
“Kaya mo pa ba? Sasaluhin ko kung gusto
mo.” bulong mo
Di ako umimik. Mabilis kong tinungga ang
shotglass at nilapag ito sa mesa. Ramdam ko ang pagguhit ng Jack Daniels sa
aking lalamunan. Naramdaman ko ang agarang paginit ng aking katawan.
“Whew.”
Lumipas ang ilang oras at naging mas
updated kami sa lahat ng nangyayari sa isa't-isa. Nagopen ang ilan sa mga
problema nila. Nagkwento naman ang ilan sa mga relationships nila na natapos at
kung paano sila nakamove-on. Ikaw naman ay nagdaldal tungkol sa relasyon mo sa
kanya.
“Kelan mo ba ipapakilala sa amin yang
partner mo na yan, Brix?” tanong nila sayo
“Dapat nga nandito yun ngayon, kaso lang
nagkaroon ng emergency meeting sa office nila kaya di sya nakapunta. Pero wag
kayong magalala, ipapakilala ko yun sa inyo sa susunod. Makikita nyo yung taong
kinababaliwan ko ngayon. Di nyo ko masisisi kung bakit. Ang alam ko lang, mahal
na mahal ko yon.” mahabang sabi mo
Di ko alam kung dala nalang ng alak or ano
ba, nakaramdam ako ng kurot nang marinig ko yung sinabi mong mahal na mahal mo
sya. Ngumiti ako at naisip ko kung gaano sya kaswerte na kayo.
“Uyyyy. Inlove nga sya.” kantyaw nila sa
inyo
Nagbukas ako ng Red Horse at tinungga ito.
Ramdam ko ang pait nito. Ngumiti ako.
“Alam nyo ba trabaho nong partner ko na
yun? Doctor yun sa isang ospital. Kaya sobrang busy non. Naiintindihan ko naman
yung nature ng trabaho nya. Sobrang talino nya, at sobrang proud ako sa kanya.
Proud ako sa amin. Mahal na mahal ko yung mokong na yun.” dagdag mo pa.
Muli, ako ay lumagok ng Red Horse. Ako ay
natahimik. Ngumiti ako.
Naramdaman ko ang sipa ng kabayo. Nahihilo
na ako. Mas ramdam ko ang kutislyong tumatarak sa puso ko sa t'wing binibida mo
sya sa ating mga barkada. Gusto kitang supalpalin pero hindi ko kaya.
“Pero paano naman yung pag nalulungkot ka?
Paano pag tipong libog ka? Paano pag sobrang miss mo na sya?” tanong ng isa
naming barkada.
Nakita ko ang iyong pagbuntong-hininga.
“Ganito yon, kasi mahal ko, iniintindi ko.
Nalulungkot ako pag di ko sya nakakasama pero tinitiis ko. Iniisip ko na para
sa amin din yung ginagawa nya. Iniisip ko na para din sa future namin.”
Napabuntong-hininga ako nang marinig ko ang
salitang future.
“Pag libog naman ako, kamay-kamay nalang.
Wala din naman akong magagawa. Ayoko namang magloko. Takot akong magalit sya
sakin kaya nagpapakatino ako ng sobra.”
Nangingilid ang luha ko sa aking mga
naririnig. Alam kong mahal mo talaga sya, kahit anong bagyo ay di kayo
masisira. Anong laban ko?
“Kapag nalulungkot naman ako, tinetext ko
lang tong si Andy.”
Bigla kang umakbay sa akin.
“Si Andy kasi yung taong laging nandyan
para sa akin. Kahit alam kong sobrang pagod sya sa trabaho nyan, mageeffort pa
din yan samahan ako kung saan ko gustong pumunta. Pinakikinggan ako ni Andy
kapag nagoopen ako. Napakabuti nyang kaibigan sa akin. Salamat nga at wala
syang partner ngayon, kasi kung meron, baka wala na din tong panahon sakin.”
Napangiti ako sa narinig. Kahit papaano ay
naramdaman kong napapahalagahan mo at masaya ka t'wing sinasamahan kita sa mga
gusto mong gawin.
“Oo nga no Andy! Ang tagal mo ng single.
Bakit ba?”
Nagulat ako sa tanong.
“Ha?”
“Bakit ang tagal mo ng single? Sobrang
choosy ka siguro.”
Napakamot ako ng ulo.
“Hi-hindi naman. Siguro hindi pa talaga
para sa akin.” sabi ko
Mas humigpit ang akbay mo. Ramdam ko ang
init ng iyong kilikili.
“Hindi pa para sayo? Eh kung kailan pa? Pag
ubos na?” sabat ng isa naming barkada
“Si-siguro.”
“May inaantay ka ba Andy?” tanong mo
“Inaantay? Wa-wala. Sabihin nalang nating
kung may inaantay ako, wala din namang patutunguhan, so technically, nagaantay
lang ako sa wala.”
“So may inaantay ka.”
“Oo.” maiksi kong sagot.
Tinungga ko ang Red Horse. Straight up.
“Lagi naman akong nandito. Lagi akong
nagbibigay ng panahon. Nakikinig ako, nagpapayo ako. Hindi ko sya pinapabayaan.
Kulang na nga lang pati baon nya sa office ako din ang magluto, pero di din
naman nya napapansin yung pagmamahal ko.”
Nagsimula ng tumulo ang aking mainit na
luha. Inalo mo ako. Hinimas-himas mo ang aking likod.
“Ayos lang yan. Malay mo marealize nya
bukas na mahal ka pala nya. Ang bobo nung taong yon. Kasi kung ako yon, di kita
bibitawan. I know how genuine your love can be. Di ko sasayangin yon. You
deserve to be happy.” sabi mo sa akin.
Mas lalong tumindi ang aking pagluha.
“Siguro nga.” humihikbi kong sabi
“Gusto mo bang ipasira ko ang buhay nyan
pag di ka minahal?” banat ng isa naming barkada
“Adik ka.” sabat mo
“Hayaan mo na. Matatapos din tong kalokohan
kong to. Magigising nalang ako one day, okay na ako. Magigising nalang sya one
day at maiisip nya na I am the one who got away. Maiisip nya na ako nalang
dapat. Maiisip nya na magiging mas masaya sya sa akin. At maiisip nya na mahal
din pala nya ako.”
Dumating ang tagay sa akin at mabilis ko
itong ininom.
Tumahimik ang grupo. Walang gustong
magsalita. Ramdam ko pa din ang akbay mo.
Uminom pa ng madami at nalasing ka pa ng
husto. Kung anu-ano pa ang napagusapan at lagi mo na namang ibinida ang partner
mo. Natapos ang inuman ng bandang madaling-araw na. Lango ang lahat at
nagsiuwian na. Naiwan ako sa bahay mo para magligpit ng mga kalat.
Nakita kitang nakahilata sa sofa. Ang
pula-pula mo. Lasing na lasing ka. Mabilis akong nagligpit ng mga kalat.
Binalikan kita at inakay papunta sa iyong kwarto. Tulog na tulog ka. Nilapag
kita sa kama at inayos.
Hinawakan ko ang iyong kamay. Pinisil ito.
Ang tagal kong hinintay na mahawakan ang kamay mo. Pinagmasdan ko ang iyong
mukha. Marahan kong hinaplos ito. Tumulo ang aking luha. Mahimbing ang iyong
tulog.
“Sana akin ka nalang. Sana ako nalang yung
mahal mo.”
Yumakap ako sayo.
“Kung swapang lang ako at gago, ginawan ko
na ng paraan para maging akin ka. Kaso hindi ako ganun, magiging masaya nalang
ako sa pagkakaibigan na kaya mong ibigay sa akin. Matatapos din tong kabaliwan
ko na to. Magigising nalang ako isang araw, di na kita mahal. Magiging okay din
ako.”
Inangat ko ang aking katawan at pinahid ang
aking mga luha.
“Mamahalin kita sa paraang alam ko, kahit
di mo alam. Brix, kahit masakit sa akin t'wing binabanggit mo ang nararamdaman
mo sa kanya, mahal na mahal pa rin kita.”
Buntong-hininga.
Tumayo ako at dahan-dahang lumakad.
“Andy.” mahina mong usal
Humarap ako muli sayo. Nagkunwari na wala
lang.
“Ano yun? You need something? Water? Ginger
Ale?”
Tumitig ka sa mga mata ko.
“Maraming Salamat.”
Ngumiti ako.
“Maraming Salamat sa pagmamahal.”
Muling pumatak ang aking mga luha.
W A K A S
OMG, the lines really imitate life! tagos sa puso't isipan! i relate myself to andy.. this is classic! I recommend everybody to read this one...
ReplyDeletehehehe sure :)
ReplyDelete