Blogger Widgets

Tuesday, May 8, 2012

Masaya ako para sa inyo

by: Rovi Yuno
blog: http://strangersandunbrokenangels.blogspot.com/


Pinagmamasdan ko ang kanyang mukha, wala pa rin itong pagbabago. Malaki pa rin ang kanyang pisngi, pababa pa rin ang kanyang mga mata at makapal pa rin ang kanyang mga kilay. Mas okay ang aura nya ngayon. Kung dati ay para syang naglalakad na kalungkutan, ngayon ay iba na. Makikita sa kanyang mga kilos, maging sa kanyang pananalita ang kaligayahan na alam kong mahigit dalawang taong nawala sa kanya. Ibang-iba na sya ngayon. He has totally moved on. At masaya ako para sa kanya.



Pinilit kong ilapit ang aking sarili sa lugar na kinauumpukan nila ng mga barkada nya. Malutong ang kanyang mga halakhak. The last time I heard him laugh that way was when we were still together. Maya-maya pa ay nag-cheers sila ng mga kaibigan nya. Patuloy ang kanilang kwentuhan. Patuloy rin ang aking pagmamasid. Pinipilit kong intindihin ang buka ng kanilang mga bibig. Ngunit hindi ko makuha ang mga mensahe.


Makalipas ang ilan pang mga minuto, alam kong tinatamaan na sya sa alak na kanina pa nya iniinom. Nakailang beses na rin syang pabalik-balik sa kasilyas sa loob ng bar na kanilang iniinuman. Sa t'wing sya ay tumatayo ay mayroon syang kahawak ng kamay. Payat, moreno at kagwapuhan din namang lalaki. Siguro nga ay sya na ang tinatangi nya ngayon. Masaya ako para sa kanya.


Pumatak na ang alas-dos na madaling araw at patuloy pa rin sila sa paglaklak. Gusto ko syang hatakin at yakapin. Pero alam ko, kahit anong gawin ko, hindi na ito maari. At hindi na rin ito tama. Nakita ko ang paglatag ng ulo ng kanyang lalaking kahawak-kamay sa kanyang balikat. Hindi ko maipaliwanag, ngunit nakaramdam ako ng luwag sa aking dibdib sa halip na matinding panibugho. Nakita ko kung paano nya alagaan ang lalaking iyon, ganun pa rin sya, kung paano nya ako inalagaan noon, ganoon nya rin inalagaan ang lalaking iyon ngayon. Nakahinga ako ng maluwag. Masaya ako para sa kanya.


Ilang saglit pa ay nakita kong akay-akay nya na ang lalaking iyon. Mukhang hindi na kinaya ang alak at nahilo na. Nakita kong nakangisi sya habang inaakay ang lalaking iyon papasok sa loob ng kotse. Naipasok nya ito ng maayos. Pumasok rin sya sa loob at pinaayos ng higa ang lasing na katipan. Dumilat ang lalaki at kahit alam kong lango na ito sa alak, ngumiti pa rin ito. Sya, na nagulat, ay nagpakawala rin ng isang ngiti. Kahit madilim ang loob ng sasakyan ay naaninag ko ang paglalock ng kanilang mga kamay. Ilang segundo pa ay nasaksihan ko kung paanong nag-lock ang kanilang mga labi. Ang halik na yun ay uhaw na uhaw, agresibo, sabik at puno ng pagmamahal. Ang halik na yon ay ang halik na aking naranasan, ilang taon na ang nakararaan.


Nagngitian silang dalawa.


“Magpahinga ka na. Babalik na ako sa bar. Matulog ka muna at ikaw ang magdadrive.” malambing nyang sabi.


“I love you.”


“I love you too.”


Muling naglapat ang kanilang mga labi. This time, mas matagal, at punong-puno ng passion. Natapos ang halik. Inayos nya ang pagkakalatag ng ulo nito sa maliit na unan at marahan syang lumabas ng kotse. Tumunog ang lock ng sasakyan. Sumandal sya sa pinto ng kotse. Kita ko sa kanya ang pagkahilo. Pinilit nyang ibalik ang kanyang composure. Nakita ko syang humugot ng isang malalim na buntong-hininga.


Sumandal din ako sa pinto ng kotse habang patuloy na nakamasid sa kanya. Hinawakan ko ang kanyang kanang kamay pero alam kong hindi nya ito nararamdaman.


Nakita ko ang pangingilid ng kanyang mga luha. Pinahid ko ito pero patuloy ito sa pagtulo.


Bakit ka umiiyak? You should be happy.


“Salamat sa'yo. Kung nasaan ka man.” mahina at gumagaralgal nyang sabi.


Napangiti ako.


“Thanks for teaching me how to let you go. I swear. Hinding-hindi kita makakalimutan.”


Nakaramdam ako ng init. Yung init na tumatagos hanggang sa loob ng kaluluwa. Ramdam na ramdam ko ang sincerity.


“Thanks for letting me meet him. Alam kong ikaw ang gumawa ng paraan para makilala ko siya. Salamat sa'yo.”


Nilapit ko ang aking bibig sa kanyang tainga at sinabi kong “Walang anuman. Mahal na mahal kita.” pero alam kong hindi nya ito maririnig.


Muli nyang sinilip ang kanyang bagong kasintahan na natutulog sa loob ng sasakyan. Ngumiti sya. At sya ay naglakad na pabalik sa loob ng bar.


Masaya ako para sa'yo. Masaya ako para sa inyo.


W A K A S

No comments:

Post a Comment